Sky Is The Limit Pag-Ibig
Note: I remembered writing this as a Valentine's Day poem last February 2016. I asked my female friend to proof read it for me and the only thing she said is "Pahiram naman! Gawin ko siyang wedding vow sa kasal ko".
Sky is the Limit, Pag-Ibig
Sa dinami dami ng taong aking nakilala Tinanong mo ako kung bakit minahal kita Kung bakit ikaw ang pinili ko at hindi sila Kung bakit hanggang ngayo'y kasama pa rin kita.
Inaamin kong nahirapan akong sumagot nung una Minahal naman kasi kita ng di ko sinasadya Pero paano ko nga ba ililista lahat ng iyong ginawa Kung kulang naman ang isang libong mga salita.
Mahal kita dahil tawag mo ang gumigising sa akin sa umaga Sa gabi bago ipikit ang mga mata, mensahe mo naman ang huli kong nababasa Mahal kita dahil di mu nakakalimutang banggitin ang tatlong mahalagang salita Mahal kita dahil walang palya kung ituring mu akong iyong prinsesa.
Mahal kita dahil titig mo sa aki'y parang ako lang ang babaeng maganda Mahal kita dahil hawak mo lagi ang kamay ko saan man tayo pumunta Mahal kita dahil kailanma'y di mo pinaramdam na ako'y nag-iisa Mahal kita dahil binubusog mo ako ng magagandang salita, ginugulat ng mga surpresa.
Mahal kita dahil ipinagyayabang mo ako sa iyong pamilya't mga tropa Sinasabi mo laging wala akong katulad at sa ibang babae ako'y iba Mahal kita dahil hindi ka nahihiyang kantahan ako kahit sintunado ang ilang mga nota Mahal kita dahil di ka naiinis tuwing nahuhuli ako sa usapan na tayo'y magkikita.
Mahal kita dahil hatid sundo ako at sinasamahan kahit sa mga lakad kong walang kwenta Mahal kita dahil ngiti lang ang sukli tuwing ako'y nagsusungit at madalas kitang mabara Mahal kita dahil di mo matagalan ang galit kapag nilambing na kita Mahal kita dahil pinipilit mong wag kumibo kahit sa kadramahan ko'y sawang sawa ka na.
Mahal kita dahil pagbabantay mo'y daig pa ang mga gwardya Mahal kita dahil tuwing yakap mo ako'y parang walang hanging makakasingit pa Mahal kita dahil tuwing pagkatapos ng halik mo'y binubulong ang salitang "akin ka" Sabay ng patagong pagpunas ng luhang kumawala sa iyong mga mata.
Mahal kita dahil hiningi kita at binigay ka ng tadhana Mahal kita dahil tinanggap mo ako nung ang pagmamahal ko sa sarili ay kulang pa Mahal kita dahil nung sinabi kong hindi ko alam kung bakit mahal kita Hinawakan mo ang kamay ko sabay sabing pag ibig mo saki'y mas nadagdagan pa.
Mahal kita dahil ikaw ka at walang ng iba Mahal kita pagkat mahal kitang talaga Mahal kita at di ko na kayang ipaliwanag pa Di ko na rin kayang inggitin pa ang ilan sa tulang ito'y nagbabasa Tama na sigurong mahal mo ako at napagsigawan kong mahal din kita.