Tula-Ayawan
Tula - Ayawan
Halina't tignan ang aking mahabang listahan
Gawa-gawa lamang ng aking malikot na isipan,
Hiling ko lang sana'y huwag sanang seryosohin
Mga anik anik ko lang ito na hindi ko alam kung saan galing.
Ayaw ko sa taong malabo, sa taong magulo
Ayaw ko sa di marunong bumasa ng mga kilos ko,
Ayokong kumibo kapag nagagalit na ako
Tahimik ka muna, mamaya magsasalita rin naman ako.
Ayoko sa taong hindi makuha sa isang tingin
Sa taong papansin,
Sa taong wala napapansin
Sa kanyang kamalian na dumadaan na parang animo hangin.
Ayoko sa taong mahilig magdikta
Naninisi sa kasalanang siya ang may gawa.
Ayoko sa taong harap harapan kung mamahiya
Naiintindihan ko siya pero ang sakit kaya
Ayoko ng away. Ayoko ng konprontasyon
Ayoko ng bitter dahil lang sa isang maliit na sitwasyon
Ayoko ng bulgar, ayoko ng masikreto
Hindi ba pwede yung tama lang at sakto?
Ayoko sa taong hindi alam ang makipagkapwa tao
At lalong ayaw ko sa mga taong asal hindi tao.
Ayoko sa taong walang plano
Yung walang pakialam sa nangyayari sa mundo.
Ayoko sa taong nagsasabing wala siyang kaibigan
Hindi ako naniniwalang mabubuhay siya dito sa kalawakan.
Dumako naman tayo sa mga bagay na pwedeng hindi ko gusto
Sa lalakeng papasok at manggigising sa tulog kong puso
Baka sakali at madako siya sa dakilang listahan ko
At ng hindi na niya mapagtawanan ang bawat ayaw ko.
Ayoko sa lalakeng manhid.
Ayoko sa hambog.
Ayoko sa lalakeng sa mundo lang niya siya umiinog.
Ayoko sa lalakeng tumitingin lang sa panlabas na anyo ng iba
Dahil gusto ko ring isipin niyang ginusto ko siya
Hindi dahil pinapagpala ang kaanyuan niya
Ayoko sa lalakeng laging hithit ay sigarilyo.
Ayoko sa taong alak lang ang kilala sa mundo.
Pero ang tanong ko may lalake pa bang sa katawan ay walang bisyo?
Ayoko sa lalakeng tinatanong ako lagi.
Parang batang di mapakali
Ayoko sa nang-iitsapwera.
Dinaig pa ang may amnesia
Ayoko ng lalakeng sobrang sweet.
Nakakaumay ~
Ayoko ng masyadong caring
Meron na akong nanay.
Ayoko sa lalakeng makulit
Kapag 'ayoko' huwag nang ipilit
Ayoko din sa lalakeng hindi naman makulit
Kapag 'hindi', dapat nagpapatuloy kahit masakit.
Ayoko nung sobrang daldal,
Ayoko din naman sa torpeng animo tahimik na nagdadasal.
Ayokong hindi sya nagsasalita pag kasama ako,
Sigurado akong matutuyuan kami ng laway pareho.
Ayoko sa lalakeng pumapatol ng mga babae sa gulo
Minsan bading ang tingin ko.
Pero mas ayoko naman yata kung hindi niya kayang ipagtanggol
ang mga taong mahal niya sa panahong ang mga ito ay sukol
Ayoko sa lalakeng mapagpanggap
Kunwari pang walang gusto.
Ayoko dun sa bolero, halata namang di totoo.
Ayoko sa lalakeng sumasakay sa mga patutsada’t biro,
Minsan mas masarap pa ring makita ang totoo
Kesa marinig sa barkada ang kwento kung bakit ka niya gusto.
Ayaw ko sa lalakeng halata lang na pinagseselos ako,
Natutuwa pa siya kahit alam niyang nasasaktan na ako.
Ayokong hindi ako nirereplyan.
Di niya ba naisip na ang hirap sa parte ko na ako ang unang gumawa ng paraan?
Ayoko sa nag iinarte pero hindi marunong tamaan
Yung ilag ng ilag sa totoong nararamdaman
Ayoko din sa lalakeng nagpapakita ng motibo.
Nagiging dakilang asyumera lang kasi ako
Ayokong lagi akong sinasabihan ng "mahal kita"
Kung nasasabi niya rin yun sa ibang babaeng kilala niya.
Ayokong pinapaasa.
Ayokong mukha kaming may relasyon tapos wala naman pala.
Ayokong naghihintay sa pangakong di naman matutupad
Dahil ayokong umasa sa mga ilusyong hindi naman dapat.
Ayoko ng lalakeng sinungaling.
Laging may paraan para siya'y mapaamin
Ayoko sa lalakeng takot kapag sinabi kong bawal
Gusto ko ng paninindigang sintigas ng bakal.
Ayoko sa lalakeng sa dalawang ilog ay namamangka
Yung tuwang tuwa pa kapag sinasagwan sa iba
Ayoko sa salitang "Last na".
Alam ko kasing mauulit pa.
Ayoko sa taong manloloko
Tapos ako ang tinuturong puno't dulo.
Ayokong pinapipili ako.
Mas ayokong tinataningan ako.
Ayoko sa lalakeng di pa nga ako pumito
Nagsisimula na siyang sumuko
Ayokong mang-agaw at ayokong naagawan
Kaya't bilin ko'y huwag niya akong bibitawan
Ayoko ng marami.
Ayokong maging reserba. Dapat ako lamang.
Ayokong marinig ang isang bagay na hindi ko gustong malaman
Ayokong makita ang isang bagay na masakit sa pakiramdam
Ayokong lumimot.. Kaya pakiusap wag niya akong bigyan na dahilan.
Ayoko sa lalakeng ginagawa akong malungkot
Madali kasi akong humabi ng mga tulang may mga hugot
Ayokong naguguluhan.. Nakakaburyong ng isipan
Ayokong nasasaktan. Madali akong maapektuhan.
Ayoko sa lalakeng hindi marunong magparamdam
At lalo sa lalakeng hindi marunong magpaalam
Ayoko sa lalakeng ipinapaubaya ako sa tadhana
Mapagbiro ito at baka di namin mahanap ang isa't isa
Ayokong sa lalakeng iniaasa ako sa kapalaran
Mas malakas pa din ang pinagsama naming kapangyarihan.
Ayoko sa lalakeng nilalagay ako sa gitna ng digmaan
Kahit alam niyang sa simula pa lang ako na yung talunan
Ayokong sumugal
Lalo na sa lalakeng hindi ako ang mahal
Oo ~ Maaaring abutin ako ng magdamag
Kapag inisa-isa kong ilatag
Lahat ng ayaw ko sa mundong kinalakhan
At sa ugali ng kalalakihang alam kong natural lang
Pero sigurado ako, sa haba man ng aking listahan
Mabubura sila isa isa kapag tunay na yung aking nararamdaman.