Kung Bakit Si Indigo
Note: As our first activity in Tinta, we were asked to write a poem about a color that best represents us a writer particularly being a poet. I thought the color indigo would be a great color for me to choose so others could have a glimpse of what I thought as me being a poet =)
Prompt: Kulay
Group: ADN Tinta
Team: Good Vibes Lunes
Kung Bakit Si Indigo?
Paano ba pumili ng isang kulay?
Paano ba magkuwento ng isang buhay?
Paano ko ba ilalahad? Sa paraang matingkad o mapusyaw?
Sa paraang malungkot ba o sa paraang masisilip lang nila sila'y mapapasayaw?
Sa daan-daang uri ng mga kulay
Nahirapan akong pumili, ni walang maituro ang aking mga kamay,
Pero sa huli aking naalala na baka sakali sa indigo ako makagawa ng isang tula
At baka doon ko masabi kung bakit sa dinami dami ng mga kulay sa kanya ako napahanga.
Napanood mo ba ang kwento ni Indigo?
Kung bakit halos hindi siya makita sa mundo?
Kung bakit nasa bahaghari naman siya
Ngunit bakit halos hindi nagamit pangkulay ng mga bagay na nilikha?
Alam mo ba kung saan mo lang siya makikita?
Sasabihin ko sa iyo ng marahil hindi ka na magtaka pa
Matutunghayan mo lang ang kanyang kagandahan
Doon sa paglubog ng araw at inaagaw na ng buwan ang sangkatauhan.
Doon, doon ko siya natagpuan
Doon sumabog ang kulay niya at doon ko nasilayan ang angkin niyang kapangyarihan,
Doon ko naisip na kahit simbolo siya ng paparating na kadiliman
Siya naman ang nagsisilbing pangako ng isang mahimbing na pahinga ng pagal nating mga katawan.
At oo, doon ko rin napagtanto na marahil pareho kami ni indigo
Di namin parehong hangad ang atensyon ng ibang tao,
Sa kanya, sapat ng pagkatapos ng isang araw may mapapauwi siyang mga tao sa kaniya - kaniyang mga tahanan
At ako isang manunula na pagkatapos ng pagkahaba haba at pinagtagpi tagping mga salita, may papel at tinta akong naubos at may mga mambabasa sa aki'y naligayan ng lubos.