Si Mama At Si Tatay
Prompt: Inay, Itay Mahal Kita
Group: ADN Tinta
Team: Good Vibes Lunes
Si Mama at Si Tatay
Mama...
Yan ang nakalakihan kong tawag sa kanya
Siya na taga gising ko tuwing alas singko ng umaga
Naghahanda ng almusal kahit napipikit pa ang kanyang mga mata
Siya na namamalengke at kuripot kung tumawad ng paninda
Upang sa bawat pisong matipid may pambili ako ng buko sa suking tindera.
Siya na hindi nagrereklamo kahit gabundok ang kanyang labada
At kahit na nga nagkakasugat pa ang mga daliri sa mga kamay niya
Siya yung babaeng panay ang linis sa munting tahanan kahit sahig ay nangingintab na
At kahit na sabihin kong tutulungan namin sya, sumasagot lang ng “kaya ko ‘to ng mag-isa”.
Siya yung babaeng naging unang kaibigan ko bago ang iba
Ang taong katsismisan ko sa bawat madidinig na balita
Ang taga puna kung damit kong suot ay di swak sa kanyang panlasa
At ang alalay ko kahit saan ko yakaging magpunta.
Yung tipong taga cheer ko pag may mga pagsubok akong dinadala
At taga bigay ng batok at kurot pag naiinis na sa mga desisyon kong hindi na tama
Siya yung taong nasasaktan bago pa luha’y mahulog sa aking mga mata
At nauunang lumulundag sa tuwa pag alam niyang puso ko’y punong puno na ng saya.
Tatay...
Alam kong hindi tugma ang tawag ko sa kanila
Pero siya yung katuwang ni mama sa pagpapalaki at pag aaruga
Iyong lalaking kahit may sakit ay hindi pwedeng magpahinga
Rason niya kasi mababawasan ang baon namin sa iskwela.
Siya yung taong matiyagang naghihintay sa aking pag-uwi
Yung taong di napapagod sumundo sa akin kahit na kalagitnaan ng gabi
Yung kadiskusyon ko sa mga temang pampulitika
Pero laging sumusuko kasi dahilan nya’y mas matalino daw ang anak sa ama.
Siya yung taong naging una kong kalaro’t kasama
Kahit pa nga sa pagpapalipad ng mababaw kong saranggola
Ang nagturo sa akin kung paano lumangoy at sumakay sa bisikleta
At bumaril ng ibon habang nakadapo sa aming punong mangga.
Siya yung hari at ako ang kanyang prinsesa
Siya yung tagapagtanggol ko kapag sa dilim ako’y nanginginig na
Siya yung kawal kong sinusuong ang laban ng aming pamilya
At ang lalakeng pinapangarap ko ding mahanap sa iba.
Kaya naman sa araw na ito, hayaan ninyong ipagmalaki ko sila
At hayaan ninyong kahit sa simpleng tula sila ay aking maipakilala
Kahit kasi araw-arawin ko ang pasasalamat ko sa kanila
At paulit-ulit sabihin ang salitang "mahal kita", kulang ito para sa sakripisyong walang reklamong bigay nila.