Huwag
Huwag
Huwag mong sasabihing mahal mo ako kung bawat bukas ng bibig mo'y sa kanya ang sulyap mo Huwag mong hahawakan ang kamay ko kung ang ilusyon mo ay siya ay ako, Huwag mong ibigay ang balikat mo kung sa bawat patak ng luha'y ikaw ang dahilan nito Huwag kang mananatili sa tabi ko kung pikit mata mong sinasabi ang katagang "masaya ka sa piling ko".
Huwag mong idadampi ang iyong mga labi kung hindi naman ako ang siyang nagbibigay sa'yo ng ngiti Huwag mo akong tignan na parang sa puso mo ako ang laman, batid kong nagpapanggap ka lang, Huwag mo akong ikulong sa iyong yakap kung sa gabi hindi naman ako ang hanap Huwag mong ilahad ang iyong mga pangarap, iniisip ko kasi kung sa akin ba dapat.
Huwag mong hahayaang magalit ako baka ni katiting na pagmamahal wala ng matira sayo Huwag mong hahayaang makalimutan kita baka pati ngalan mo di ko na maalala, Huwag mong hahayaang sundin ko ang sinasabi ng isip ko at hayaang matunaw ang aking puso Huwag mong hayaaang bitawan kita at baka wala na ako sa panahong sambit mo'y "kailangan kita".
Nakikiusap akong huwag na, huwag ka ng manatili kung hindi mo kaya Huwag mo akong paasahin sa pag ibig na sa una pa lang wala naman talaga, Nagsusumamo ako, huwag mo nang subukang lumapit pa Kung hindi mo kayang panindigan ang salitang "mahal kita" at sa huli'y mang-iiwan ka din pala.