Paglalarawan
Apoy
Umaasa ako na may munti pang apoy na natitira
Na baka sa puso mo ako ay nandoon at iyo pang makapa,
Huwag mong hipan
Huwag mong sindi niya ay tuluyang humina
Baka naman kasi pwede pang lumiwanag
ang ngayong malabo na.
Bisikleta
Dapat muna ba tayong huminto
Mag-isip kung saan patutungo
Hanggang sa lugar ba na walang pangalan?
Hanggang kailan?
Hanggang kailan mo kaya ako masasabayan?
Ipipikit ko muna ba ang mga mata
Ang makasama ka ay bigay ba talaga ng tadhana?
O pansamantalang pag-ibig ka lang
Tulad ng bisiketang nasisira din sa kalaunan?
Halika, subukan muna nating huminto
Sa lalim ng burol kung saan nagtagpo ang ating mga puso
Hahalik ang liwanag sa dilim, mabibighani tayo ng palihim
Makikiusap sa tadhana na sana ganito lagi sa iyong piling.
Halika, subukan nating dalawa
Ikaw at ako sa tabi ng isa't isa
Ang paglubog ng araw, panoorin natin ng sabay
Habang braso ko sa iyo'y nakaakbay
at hawak ko pa ang isa mong kamay.
Ulan
Ako'y ulan, hayaan mong ikaw ay aking samahan
Sa dako pa roon kung saan walang nakakaalam
Ihehele kita sa bawat tunog ng patak
At iduduyan sa agos na kay lakas.
Sa bawat pagpatak ng ulan
Sa bawat halik ng tubig sa karimlan
Naroon ako naghihitay sa iyong pagdating
Nagbabakasakaling ikaw at ako'y
magtatagpo pa rin.