Nasaan Ang Hangganan
Note: This poem is written as one of those five entries I posted for AMACON official.
Prompt: Two for the Road
Nasaan Ang Hangganan?
Hindi ko alam kung hanggang kailan
Bukas, sa makalawa o sa darating na buwan,
Kakayanin ko pa bang maniwala sa isang sumpaan
Kung nasa harap ko na ang isang napipintong katapusan.
Hanggang kailan, hanggang saan
Hanggang doon sa dako pa ba ng karimlan,
Mananatili ba akong kakapit
Kung wala ng pag - ibig sa bawat mong halik.
Kakapit pa ba hanggang kilala ka ng puso
O habang may natitira pang hininga ang buhay ko,
Hanggang nanatiling ikaw pa ba ang laman ng isip ko
At ikaw pa rin ang dahilan kung bakit ako nandito.
Lalaban pa ba ako kahit tila ako'y sinukuan mo na
Hahabol pa ba kahit na napakalayo at ako'y tinaguan pa,
O titigil ako baka sakaling ako'y balikan mo
Sa gitna ng ere kung saan huling naiwan mo.
Hanggang kailan ako kakapit sa tali na pinutol mo
Hanggang kailan ko bubuuin ang basag na pangako,
Hanggang kailan ko hihintayin ang hindi na darating
Hanggang kailan makikiamot na minsan sana dingging din ang aking hiling.
Hanggang kailan ako magmamakaawa
Sa taong mahalin nga ako'y di niya magawa,
Hihintayin ko pa ba ang "di ko na kaya, ako'y pagod na"
Sa mundong "sa una pa lang ay dapat bumitaw na".