Panini-Wala
Note: This poem is written as one of those five entries I posted for AMACON official.
Prompt: Of Intuitions and Suspicious Superstitions
Panini-Wala
Isa, dalawa, tatlong minuto na lang yan ang sabi ko sa aking sarili
Ang hirap palang bantayan ang pagsapit ng hating gabi,
Mabigat na ang talukap ng aking mga mata
At ang tangi kong naririnig ay ang tunog mula sa orasan na nasa may sala.
Pinilit kong tumayo sa aking pagkakahiga
Dahan dahan at walang ingay sa kama ako'y bumaba,
Ito na ang tamang oras para makita ko siya
At masilip ko naman ang mukha ng lalaking sa aki'y itinadhana.
Kabado akong humarap sa salamin habang hawak ang nakasinding kandila
Binibigkas ang orasyon mula sa isang antigong librong aking nabasa,
Lakas loob at matiyaga kong hinintay ang paglitaw niya
Hanggang sa ako ay mapagod at sumuko sa isang matandang paniniwala.
Oo, marahil nagpa-uto nga ako at baka nga ito'y isang kalokohan
Na naghahanap ako ng palatandaan mula sa mga bituin, kometa at mga bulalakaw,
Ngunit masisisi mo ba ako kung nakakapagod na
Nakakasawa na rin kasi minsan na nasa panaginip lang kita
Alam kong may mga pamahiin dito sa mundo na hindi nagkakatotoo
Alam ko ring ang iba ay likha lang ng malilikot na imahinasyon ng mga tao,
Sapat ng naniniwala akong isang araw darating ka sa buhay ko
Magkikita tayo..
Magkikita din tayo...
Hindi ko nga lang alam kung ngayon o sa susunod na hatinggabi ng buhay ko.