Ganito Ka Magmahal
Note: This poem is written as one of those five entries I posted for Team Maso Bebe's First Anniversary. We were given five prompts and from there we need to write a hugot poem :)
Prompt:
I need the pain to remind me that our love was real
So it stays here in my heart, and here it has taken root
I water it every day, every night with tears
Its branches shall grow and they will intertwine with my veins
It will take over this body, and soon, I shall be nothing but pain
A monument, a gravestone to our love
- Anonymous
Ganito Ka Magmahal
Ikaw...
ikaw iyong taong pwede kong maigrupo sa iilan
iyong taong pwedeng sabihing naiiba sa pangkaraniwan,
iyong tipong mapapaisip ako at ang bawat kakilala mo
kung ipinanganak ka ba talagang ganyan
o talagang binago ka na ng buhay na mapagbiro kadalasan.
Pero teka, teka...
hindi ko sinasabing may angkin kang kapangyarihan
o nakakakita ka ng mga kababalaghan sa bawat mong makitang mga daan,
ang akin lang naman, sa dinami dami ng mga taong nasaktan
ikaw lang yata marahil ang natutuwa pang inaalala mo ang nalasap mong kabiguan.
Isipin mo 'yon...
nabubugbog ka na ng iyong nakaraan
sinasampal ka pa ng pinanghahawakan mong pinagsamahan
ano nga bang hinuhukay mo kakaalala ng mga makukulit nyong usapan?
ng mga malulungkot nyong tampuhan?
ng mga nakakarindi nyong awayan?
may nakuha ka ba?
pakiramdam ko kasi, ginagawa mo lang lahat ng yan para masabing may ebidensya ka,
ebidensyang magpapatunay kung saan dati minsan merong ikaw at sya
na minsan nagmahal ka at minahal ka din naman niya.
Ngayon tatanungin kita...
pagkatapos ng lahat nasaan ka?
at nasaan naman kaya siya?
natagpuan mo na ba ang dati mong naiwala?
nahukay mo na ba yung mga dapat mong binabaon na ala-ala?
nasagot ba ang tanong mo kung bakit ngayon eh ikaw na lang mag-isa
at di mo na mahagilap ni anino niya?
o patuloy ka lang nag-aalaga ng sakit na kahit na nga yata sikat na pintor ay susukuan
nyang maipinta
ilang balde na ba ng luha ang naipon mo?
baka pwede na nating gamitin pandilig sa hardin ng paboritong kapitbahay ng nanay mo,
ilang kahon na ba ng papel ang nakaalam ng sikreto mo?
baka pwede ko nang mahiram at nang makabuo ako ng isang libro ng mga hinagpis mo.
Oo, tama...
marahil, isa ka doon sa sumeryoso sa isang bida sa hollywood na pelikula,
"pain demands to be felt" pa nga ang peg ng pinagsigawan niyang linya.
umamin ka na...
naging mabuting tagasunod ka niya!
bes naman!
nag-usap na tayo tungkol dito diba?
ang sabi ko naman sa iyo wala ka sa isang palabas na koreanovela
at lalong ang buhay ng tao ay hindi puro trahedya at makabagbag damdaming melodrama.
Oh sige...
sa isang banda sabihin na nating may pinaglalaban siya,
maaring tama nga yung paborito mong karakter ng pelikula.
subukan nating sundin yung gusto niya
piliin nating mabuhay ng tulad niya
pero sa akin lang...
sige, itanim mo ang sakit,
ipunla mo yung pait,
sanayin mo ang sarili mo sa mga bagay na hindi ka naman sinanay sa una,
patuloy mong saktan ang puso mo sa mga pangyayaring hanggang ngayo'y sinasaktan ka
pa
patayin mo ang nararamdaman mong sa una palang ay pinatay naman na niya.
Alagaan mo...
diligan mo...
mahalin mo ang sakit ng paulit ulit...
at kapag dumating ang tamang saglit
baka doon,
doon mo mapagtanto...
na oo, ang inalagaan mong sakit ang patunay na minsan nagawang magtagpo ng
nararamdaman niyo,
pero ito rin ang nagsisilbing dahilan kung bakit hanggang ngayon hindi ka pa rin natututong kalimutan ito at buksan ang pinto sa pagmamahal na bago.