top of page
Isabel

At Di Na Babalik Pa

And yes, @dei_speaks (twitter account), I finally made it. After a couple of weeks, I am done writing and revising this ma-ala spoken poetry chuchu and most of all I had the courage to share it not just to you. Thank you always Dei :)


And special thanks to you, @doctonychopper (twitter account), eto na ang utang ko. Hope you liked it! :)


At Di Na Babalik Pa


Sabi nila...

sa pag-ibig daw dapat laging dalawa dapat laging may kapareha at dapat laging may katugon ang nadarama. hindi pupwede ang mag isa o magdagdag ng iba pa sa kwentong bubuin nyong magkasama.

ang pag-ibig kasi ay hindi isang simpleng laro hindi maaring laging may nasasaktan, hindi maaaring laging may nasusugatan, hindi maaaring may nandadaya at hindi pwedeng lagi na lang may mga matang lumuluha. kailangang iwasan na may nadadapa at may naghahabol na parang isang taya.

Bata pa lang ako...

naririnig ko na ang mga linyang ito inakala kong naayon sa realidad ng mundo. paulit-ulit silang dumaraan sa aking isip, pilit silang nangungulit, pilit silang sumisiksik. ang hindi ko alam habang sinasaulo ko at sinasapuso ang mga salitang nangangako, natutulog ka at naghaharian sa mundong mapanakit at mapaglaro

hindi mo sinubukang matutunan, ni hindi mo inalam kung gaano kahalaga ang bawat mga kataga at kung paanong sana… sana naiwasan mo kung paano mo ako saktan at iwan nalang sa ere ng kawalan.

katulad ka rin kasi ng isang lobong hindi sinasadyang mabitawan doon sa kalangitan

hindi na kita mahabol, hindi na kita maabot.

lumipad ka na lang papalayo, papalayo hanggang sa maglaho.

oo, nabitawan kita ng hindi sadya

pero sana sa hangin hindi ka nagpadala.

dahil isang talon maaari pa kitang maabot,

dalawang hakbang maaari pa kitang mahabol

pero kahit ano nga yatang subok kong abutin at habulin ka

nandoon ako sa tagpong hindi lahat ng maaari ay pwede pa.

At lumayo ka na nga...

at hindi na kita pinigilan o pinilit bigyan ako ng tamang dahilan, hindi na ako nagtanong o humingi pa ng madetalyeng explanasyon. kung bakit papaano at kung ano ang mga nagulo,

kung may karakter bang nagpagulo sa kwento o kung sino ang naging pasimuno. kung bakit parang nakalimot ka at kung bakit parang ni hindi mo na ako kilala. kung bakit papaanong dating mayroong tayo, at ngayon magkahiwalay na ang ikaw at ako hindi ko na hinanap pa ang mga sagot, nadudurog lang kasi ako, inisip ko nalang na tulad ng mga napapanood kong mahika at ilusyon, nakakapanghinang malaman na resulta ka lang ng isang imahinasyon. mas mabuti nga yatang magpanggap na lang at maging manhid sa mga nararamdaman, doon kasi mas malaki ang posibilidad na ang bawat sakit at kirot ay dahan dahan kong makalimutan ng hindi ko namamalayan.

Ngunit...

nanatiling masaklap ang lahat.

hindi pala ganun kadaling magtago,

hindi din madali ang maglaho

at mas lalong mahirap kalimutan ang lahat sa isang iglap o sa isang kurap.

hindi ako napapalahanan na sa proseso ng paglimot, hindi na kita kasama. akala ko sabay tayong bibitaw sa mga ala-ala, akala ko sabay tayong makakahanap ng bagong pagmamahal sa iba, na sabay tayong magiging masaya. tama nga sila, marami ang namamatay sa maling akala.

Sige nga...

paano?

paano ba ang kalimutan ka kung naaalala ko yung masasayang panahon noong kasama pa kita?

paano nga ba kung hanggang ngayon nanatili akong lunod pa?

hindi mo ako masisi kung bakit hirap akong tanggapin nalang lahat bigla,

kung bakit ngayon inuugali ko na ang pagiging ampalaya, dahil mula ng umalis ka puno ako ng mga tanong at pagduda

minahal mo nga ba akong talaga

o isa lang ako sa mga bagay na gamit mo nung nangailangan ka? pina-ibig, pinakilig pinaasa tapos nung hulog na at mahal na kita, bigla kang maglalahong parang bula.

Oo na...

alam ko na kapag wala na,

dapat hindi na binabalikan pa at dapat hindi na rin sinusubukang ibalik pa ang alam kong wala naman talaga. ang hirap lang kasing umamin at sumuko sa "tapos na"

kung ang tagal kong hinawakan ang mga salitang "baka sakali pa".

pipilitin kong iwasan ka at isiping pinagtagpo lang tayo ng tadhana

pero hindi tayo ang itinakda. sasanayin ko ang puso kong hindi ka pansinin

kahit nanghihingi pa ang titig mo ng ikalawang tingin. susubukan kong huwag makinig

sa kung anumang bulong ng bawat pintig. dahil kapag nanonoot na yung sakit, baka doon ko maisip na ang paglimot sa iyo hindi dapat pinipilit na gaya ng pagdating mo sa buhay ko,

mawawala din itong nararamdaman ko mailap, mahirap, matagal..

pero naniniwala akong mawawala din ng kusa pagdating ng tamang araw.

14 views
Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Me
  • Instagram
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
bottom of page