top of page
Isabel

Silang Isinumpa

Note: This poem is written as one of those five entries I posted for Team Maso Bebe's First Anniversary. We were given five prompts and from there we need to write a hugot poem :)


Prompt:


You're in love with him

and he's in love with you

and it's like a goddamn tragedy

because you look at him and see the stars

and he looks at you and sees the sun

and you both think the other is just looking at the ground.

- Anonymous

 

Silang Isinumpa

Psst...

may tanong ako

sigurado ako, na minsan tinanong mo na din ito sa sarili mo

at malaki ang ipupusta ko na katulad ko

wala kang matinong sagot na nakuha mula dyan sa utak mong gulong gulo

at malamang kung meron man,

sa sobrang labo ng mga 'to, ni isa walang gustong tanggapin yang puso mong lito.

Pero...

susugal ako

malay natin

baka sakaling makatulong ka

baka sakali ikaw may paliwanag kang itinitago sa bulsa

ako kasi nauubusan na ng neurons, atoms, cells at fluid sa katawan

pero hanggang sa ngayon

nananatili akong walang makapang sagot sa mga iilang kong mga tanong.

Bakit...

bakit kailangang nilang magtagpo kung hindi naman sila para sa isa't - isa?

bakit kailangan silang nasa iisang libro pero hindi sa iisang pahina?

bakit pareho nilang nakikita ang mga tala

pero magka-ibang langit ang kanilang tinitingala?

bakit kailangan nilang magkasama sa paglalakbay

kung sa huli'y di rin nila kayang magsabay?

Ano...

ano sa tingin mo?

napagtripan at pinaglalaruan ba sila ng mapaglarong tadhana?

palagay mo,

duling ba ang kupidong sa kanila'y naatasaang pumana

o may itim na mahikang bumabalot sa pag-ibig nilang dalawa?

kasi kahit gaano kasarap malaman na mahal nila ang isa't isa

nagtatapos sila doon sa iba ang dikta ng buhay dito sa mundo

at nananatiling pangarap lang ang "happy ending" sa kanilang kwento.

Oo...

parang sila yung dalawang malalaking bituin na nasa kalawakan

parang itinadhana silang maging Haring Araw at maging Reynang Buwan

sila yung nagnanais magkita kahit saglit lang,

kahit segundo lang,

kahit nga eclipse lang ang tanging paraan

sila yung magkasama noon pa man

pero kailanman ay hindi pwedeng sabay na magsabog ng liwanag sa kadiliman

Alam ko...

ninanais ng dalawang ito na sumali sa pawelga ng mga aktibista sa bayan

naghihintay lang kung pwede silang makisali sa mga sigawan

sila iyong nag-aabang kung may pag-asa bang maireklamo ang kanilang nararamdaman

at ang kanilang kwento na kahit sino ang makakabasa ay paniguradong iiyakan.

Kaya paano...

sabihin mo paano?

paano natin sasagutin ang maraming katanungang ito?

kung marami ding nawawalang sagot at para bang itinago

at ayaw ipaalam ng kung sino?

maaari...

maaaring may nalalaman kang dalawa o tatlo

pero sa daan daang bagay at pangyayaring malalabo

sa palagay mo ba tatanggapin ito ng utak na sadyang sinarado

pagkat ayaw ng tanggapin ng puso ang mga paliwanag na magugulo?

Sa ngayon...

mananatili muna tayong naguguluhan

kung ano nga ba talaga ang gusto ni Reynang Buwan

o gumagawa pa ba ng paraan si Haring Araw

upang makadaupang palad ang imposible kahit minsan

mananatili tayong walang alam sa trahedyang sa dalawang bituin inilaan

at mananatili tayong nagaabang sa tahimik na digmaan ng malupit nilang kapalaran.

Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Me
  • Instagram
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
bottom of page