top of page
Isabel

Quits, Pantay Lang

Note: This poem is written as one of those five entries I posted for Team Maso Bebe's First Anniversary. We were given five prompts and from there we need to write a hugot poem :)


Prompt:

It's so much easier

to act like none of this matters

and to pretend to wear a smile

than to confess

my heart is nearly broken

from losing someone

who was never even mine.

- Anonymous

 

Quits, Pantay Lang

Tama na...

mahuhulaan mo ba kung ilang beses ko na itong sinabi sa isip ko?

kung ilang "last na, pramis kaya ko pa 'to"?

kung ilang mapapait na ngiti na ang naiguhit mula sa labi ko

at kung ilang daang luha na ang nag unahang pumatak mula sa mga mata ko?

wag mo ng subukang bilangin pa,

tinigilan ko...

nakakabaliw kasing isipin na kinaya ko pa lang lokohin ang sarili ko.

Gising na..

sambit ko sa mga panahong binabangungot ako kahit hindi naman ako natutulog sa gabi

sa mga hiling ko na sana may isang maawaing bulalakaw na mahulog sa aking tabi

sa mga pantasya kong hindi na nga yata alam paghiwalayin ang realidad sa hindi

at sa mga kwento kong di ko alam kung saan galing at paano kong nahabi

isipin mo yun...

mahihiya kahit ang pinakasikat na kilala mong mananahi

mahihiya siya sa nabuong pangarap kong pinagtagpi-tagpi.

Umayaw ka...

ayan ako...

sa mga araw na di ko na makaya at ang sakit sakit na

sa mga di mabilang na sandali na ang hapdi mo na sa mga mata

at di na kita makayang makitang nagmumukhang tanga

sa mga oras na pabitaw na ako pero ikaw nakakapit pa

at sa mga segundong susuko na ako pero nanatiling lumalaban ka

magkalinawan nga tayo,

nagmamahal ka ba para mabuhay

o nabubuhay ka para magmahal?

hindi mo ba nakikilala ang salitang pagkatalo sa kabila ng lahat ng iyong isinugal?

Bitaw na...

sa mga bagay na paulit-ulit na

sa mga pagkakataong pinipilit pilit ko pa

at sa mga taong hindi naman ako makita kung ano nga ba talaga ako para sa kanila.

Tama na.. gising na..

umayaw ka na... bitaw na...

sa dami ng mga salita, gusto kong ibato sa'yo ang isa

di ka ba napapagod?

di ka ba nagsasawa?

ako kasi ang nahahapo sa iyong ginagawa.

Hanggang kailan???

hanggang kailan mo siya nanakawan ng tingin

at hanggang kailan naman ako makikiamot sa iyo ng pansin

hanggang saan mo itatago ang sikreto mo sa kanya

at hanggang saan ako dadalhin ng pagmamahal ko sa'yo

kahit na nga alam kong ang mahal mo ay siya.

Magkaibigan nga tayo...

pareho tayo ng kapalarang dalawa

ngumingiti tayo sa harap ng iba

pero di nila napapansin ang lungkot sa ating mga mata

hindi nila nakikita ang hirap ng kung paano umamin

at sabihin sa mahal mo na mahal mo siya

alam kong mahirap,

mahirap pakawalan ang mga bagay bagay

sabi nga ni itay,

"ang pinaka masakit daw na pagluluksa ay hindi dahil sa taong nawala

kung hindi sa taong hindi naman naging pag-aari mo mula sa simula"

Kaya naman...

susubukan kong pakawalan ka

pero ipangako mo na susubukan mo ding magmahal ng taong mahal ka

bibitawan na kita

at bitawan mo na rin siya

siya na parehong nanakit sa ating dalawa

sa paraang tayo lang din ang may gawa

upang sa bagong kabanata,

baka sakaling doon..

doon natin makita ang pinaglalaban nating halaga.

12 views
Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Me
  • Instagram
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
bottom of page