top of page
Isabel

Hugot Lines Turned Kunwariang Love Advice



❀ Tandaan mo, hindi kailanman naging mali ang magmahal. Walang mali sa nagmamahal. At lalong walang mali sa taong nasaktan mula sa pagmamahal, dahil kahit gaano mo man baligtarin ang kalawakan, wala ni isa sa atin ang gustong nadudurog... napipilayan... nasususgatan.


Pero bes, kailangan mo ring minsan palalahanan ang sarili mo na hindi sa lahat ng pagkakataon umiiral ito. Hindi mo ito pwedeng gawing dahilan ng pagkapit tuwing ang sakit sakit na at pinipilit mo pa ang dapat hindi na. May mga panahon kasi na hindi mo na kailangang ipagpilitan ang sarili mo sa taong ayaw sa'yo.. sa taong di kayang ibalik kung anong nararamdaman mo. Ang pag-ibig kasi ibinibigay 'yan ng kusa, hindi mo dapat kailangang magmakaawa. Hindi ito pinipilit. Hindi ito pinagdadamot. Ang pag-ibig matiyaga pero minsan nakakapagod.




❀ Huwag mo ng hanapin ang wala na. Makuntento ka sa kung ano lang ang kayang ibigay ng tadhana. Alam kong kadalasan malupit ito, pero huwag mong isisisi sa kanya kung bakit ang pangmatagalan ay naging pansamantala. Kung bakit ang mga yakap na maiinit ay naging malalamig na gabing mag-isa at kung bakit ang mga matatamis na pangako ay nagsilbing mga bangungot na gusto mo na lang ibaon sa mga ala-ala mo. Dahil kahit anuman ang galit, inis o sama mo ng loob sa itinakda ng tadhana, wala ka ng magagawa dahil mauuwi ka lang doon sa realisasyong wala na siya at hinding hindi na siya babalik pa.




❀ Palagi mo sanang tatandaan na hindi naman sa lahat ng pagkakataon nakakapagtiis ang puso. Minsan, may mga panahong susukuan niya ang isang laban at mas gugustuhin nitong masaktan na lang kaysa ipagpatuloy kung ano ang kanyang naumpisahan. Darating siya sa puntong hindi na nito kaya pang magtiwalang muli. Hindi na niya kakayaning pang sumugal. Magsasawa ito... Mapapagod pero sana sa araw na'yon, maging handa ito at matapang na harapin ang pag ibig na gusto na nyang kalimutan at ayaw na nyang balikan.




"The only way to forget is to accept and the only way to move on is to look ahead." Yan ang laging love advice ni Joe D' Mango sa tuwing naririnig ko siya. Marahil, gasgas na gasgas na yung linyang yun. Pero diba, tama naman siya?! Na bago ang lahat, matuto kang patawarin ang sarili mo. Bigyan mo siya ng respetong dapat para sa kanya. You owe it to yourself. Huwag mong ipagdamot bes! Dahil kahit gaano mo kagustong kalimutan ang mga nangyari sa'yo at ang taong may gawa ng lahat ng ito, hindi yun darating hanggat hindi mo natutunan na bigyang halaga ang mga bagay na dapat sa simula pa lang ay pinahalagaan mo na.




❀ Minsan dapat natin malaman na nabubuhay din tayo sa sakit at nabubuhay tayo para manalo sa kung anumang dulot nito. Oo, hindi lahat ng nagmamahal ay nananalo sa laban ng pag-ibig ngunit diba mas magandang malaman na hindi man natin nagawang manalo, minsan sinubukan nating makidigma. Marahil hindi tayo pinalad.. Hindi tayo kinasihan ng tamang panahon pero naniniwala ako na darating din tayo doon.... matagal, nakakainip, nakakasawa pero tiyak ko darating din tayo doon.



--------------------------------------


Kahit gaano pa kadaming spoken words ang ibigkas ni Juan Miguel Severo at kahit gaano kadami pang panggap na love advices ang kunwa-kunwariang isulat ko, naniniwala ako na nasa iyo pa rin naman kung paano mo lalagyan ng katapusan ang laban mo. Mahirap, uo! Pero may madali nga ba sa mundo? Isipin mo nalang, matapang ka! Hindi ka mahina! Hindi ka duwag! Kaya mo yan. Either lumaban ka o sumuko. Nasa sa iyo yan. Okay lang naman magkamali. Okay lang masaktan. Bangon lang ulit. Paulit-ulit! Ganyan naman kapag nagmamahal dba?! :)




(Source: Spoken Poetry By Juan Miguel Severo)

222 views
Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Me
  • Instagram
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
bottom of page