Unkrekwited Lab
Unrekwited Lab
dumating ako sa realisasyong may mga byaheng nakakapagod
may mga talang ang hirap maabot
may mga paglalakbay na sobra ng nakakahapo
at may mga pangarap na ang sarap sarap ng isuko
may mga bagay kasi na madalas may mga simula
ibibigay sa’yo ng buo ng tadhana
pero bes, huwag kang magpalinlang
huwag kang masisilaw sa pansamantalang kaligayahan
dahil babawiin niya rin ito sayo
babawiin ito ng tadhanang mapaglaro
oo, sumubok ako
kumapit
sumubok
at sumubok ulit na maghanap ng mga sagot
at sa kakahanap ko ng isang dahilan para patuloy na lumaban
napansin ko nalang na may kasama pala ako sa larong gaguhan
at natatalo na ako sa digmaang ang sarili ko lang naman
ang tangi kong kalaban
hindi iilang beses na inisip ko kung bakit kailangan kong gawin lahat ng ito
bakit kailangan akong pahirapan ng malakas na enerhiyang gawa ng uniberso
iniisip ko na marahil mas madali yatang kalabanin ang gravity ng mundo
ang humukay ng panibagong crater sa may Taal Volcano
ang ipunin ang tubig sa dagat gamit ang mga palad ko
ang makipag kaibigan sa naglalagablab na apoy
ang pabanguhin ang anumang may masangsang na amoy
ang makipagtitigan sa Haring Araw
kaysa magkaroon ng ugnayan ang ako at ikaw
oo, ng ako at ikaw…
nagtanong ako sa sarili ko ng paulit ulit
inalala ko ang mga naging sagot kong pilit na ipinilit
at tinanggap ng isip ko kahit may kasamang sakit
bakit nga ba
bakit ko kailangang mapagod sa wala
kaya ko namang huminto kapag alam kong dapat tama na
pwede naman akong magpahinga kapag hindi ko na talaga kaya
pero bakit tuwing nandoon na
doon sa tagpong pabitaw na
doon sa tagpong pasuko na
hindi ko magawa
hindi ko parin magawa
oo, alam kong hindi lahat ng napapagod dapat sumuko
hindi din lahat ng nasasaktan dapat tinatalikuran ang anumang nasimulan
pero bakit hanggang ngayon hindi pa rin kita magawang bitawan
hindi kita magawang pakawalan
kahit na nga alam kong hindi ka naman naging akin
kahit sa simula pa lang.
nakinig ako sa sagot ng puso ko
nakinig ako sa tahimik na bulong tuwing nakapikit ang mga mata ko
nakinig ako sa dagundong ng kaba mula sa dibdib ko
nakinig ako
nakinig ako kahit na nanghihina na ang mga ito
upang sa huling beses malaman ko
kung bakit umaasa pa rin akong bibigay ka
at hindi na maging madamot sa hiling na maging akin ka
lumipas ang isa, dalawa, tatlong minuto
akala ko mabibingi na ako
sa paulit ulit na katagang naghihintay ng pansin ko
at mabigyang laya kahit man lang sa tulang ito
mahal kita
mahal lang daw talaga kita
hindi na ako nakakibo
alam ko kasi tama yung munting tinig na naghihingalo
nagdesisyon ako noon, mahal
pinili kong mapagod dahil pinili kong pagurin ang sarili ko
pinili kong magtiis dahil pinili kong pagtiisan ang hindi mo
pagtanaw sa kinaroroonan ko
pinili ko ang sakit ng hindi mo paglingon
pinili ko ang kirot at hapdi ng hindi mo pagtugon
oo, mahal
pinili kong saktan ang sarili ko
sa mga oras sa hindi mo pagtingin sa akin mahal
pinili kita
pinili kita
pinili kong mahalin ka
pinili kong huwag kang mabura
pero hanggang kailan, hanggang saan
dahil unti-unti na akong naniniwala sa sinasabi ng isang lolong
naringgan kong nakatambay sa may tindahan
hindi daw lahat ng klase ng gyera dapat kong ipaglaban
matuto din daw ako sumuko, pabayaan at tuluyang pakawalan
dahil kahit gaano pa daw ako kalakas
at kahit gaano pa daw ako katatag
hindi ko daw dapat ipagpilitan ang sarili ko sa taong wala naman sa aking nararamdaman
dahil hindi naman daw ako isang sardinas sa lata na dapat nakikipagsiksikan