top of page
Isabel

Sinungaling Ako

Sinungaling Ako

Naniniwala ako na musmos pa lang tayo kilala ka na ng puso ko

kinilala kita ng buo

minarkahan

minahal ng patago –

ikaw yung pinangarap kong makasama sa pagtanda

iyong taong alam kong hindi ipinagdamot ng tadhana

iyong sinibat ni kupido ng kanyang mahiwagang palaso’t pana

at inihain sa akin ng engkantong natisod ko nung ako’y munting bata

naniwala ako

nangarap

umasa –

Paano ba namang hindi?

kung sa bawat pagsikat ng araw

sa bawat paglubog ng buwan

sa paglipas ng bawat gabi

nandoon ako, nandoon ka

buntot natin ang isa’t isa

di mahiwalay sa paningin

busog tayo sa atensyon at pansin

noon pa lang, alam ko na ang ibig sabihin ng saya

ng masaya tayo sa dimensyong nalikha

ng

ikaw

ako

tayo –

Lima, sampung taon, isang dekada ang nagdaan

napadpad tayo sa mundong puno ng pagka-kaibigan

doon sa palihim tayong may unawaan

doon sa walang opisyal na tawagan

doon sa naghihintay na may mauunang aamin ng nararamdaman

doon sa tahimik tayo pareho pero mahigpit ang mga yakapan

doon sa buo na ang araw ko sa ‘good morning’ mo pa lang

doon sa ubos ang load kakatext at sa mahabang kamustahan

doon kung saan nanatili kang kawal na handa akong protektahan

kahit pa nga paulit ulit mo sa aking pinaparamdam

na hindi ako katulad ng isang ordinaryong prinsesa

doon sa mga pelikula at sa mga librong nababasa

para kasi sa’yo, mandirigma din ako

malakas, matatag kayang iligtas ang sarili ko

kahit na walang tulong na galing sa kung sino

nandoon tayo

nandoon parin tayong dalawa

oo, tayong dalawa

nanatili tayo

kumapit pareho –

Hanggang sa dumating siya,

siya na maganda

siya na matangkad

siya na tuwing nahihiya

parang prutas ng makopa ang pisngi niya sa pula

siya na mahina

siya na nangangailangan ng pagsagip at kalinga

siya na bagong mukha

siya na niyakap nating pareho

dahil kailangan niya rin ng kaibigang tulad ko

katulad mo –

Masaya ako sa pagdating niya, oo

may mapapagsabihan na ako ng mga sikreto ko sa iyo

may makakasama na ako sa mga hagikgikan tuwing kinikilig ako

may kakutsaba na ako sa mga surpresa ko sayo tuwing kaarawan mo

may bagong kaibigan ako

may kaibigan na naman ako –

nakakatawa

nakakatawa kasi doon ko napatunayan na talagang mabait ka

doon ko napatunayan kung bakit mahal kita

at bakit mas lalong minahal kita

sinasamahan mo kasi siya tuwing wala siyang kasama

hinahatid mo at ipinapasundo mo nalang ako kay kuya

kapag alam mong siya lang mag-isa at may pupuntahang lakad na mahalaga

natutuwa ako tuwing tatanungin mo ako kung ako’y kumain na

sabay hanap sa kanya at yayaing isama natin siyang dalawa

sa lahat ng iyon sige lang

okay lang ako

okay pa ako

okay na okay pa ako –

Okay pa sana ako

kung hindi ko lang naramdaman na unti unti

paunti – unti

parang may nahahati

parang may nagnanakaw sa dati kong pagmamay-ari

parang may mali

tama, parang may mali

akala ko noon ang dating dalawa

madadagdagan ng isa

ang dating mundo ng ikaw at ako

magiging mundo ng tayo

akala ko may mabubuong tatsulok

akala ko lang pala pagkat ito’y tuluyang nabulok

dahil mahal, mula’t sa simula walang tatlo

walang tatlong nabuo

kahit anong bilang ko sa mga daliri ko

walang nasa una

walang nasa gitna

walang nasa dulo

nanatiling dalawa yung nandoon sa mundo mo

sinubukan kong hanapin doon ang sarili ko

hanapin ang nawawalang ako

ang karakter na nawala sa eksena

yung karakter na pinalitan ng bagong bida

hinanap ko

maniwala ka hinanap ko

ngunit may nabago

may pumalit na bago

may bago –

Inalam ko kung saan ako nagkulang

inalam ko kung saang banda ang hindi ko napunan

oo, inaamin ko sinungaling ako

nagsinungaling ako sa’yo

nagsinungaling ako nung sinabi kong nakakatuwang may bagong mukha sa ating mundo

pero ang totoo madamot ako pagdating sa pagmamahal mo

nagsinungaling ako nung sinabi kong masaya akong may kahatian ako ng sikreto ko sayo

pero ang totoo natatakot akong baka mahulog din siya sayo

nagsinungaling ulit ako nung sinabi kong masayang may humahagikgik din sa kilig ko

pero ang totoo kinakabahan ako na baka mainggit siya sa sayang ramdam ko

nagsinungaling ako, oo

isa, dalawa, tatlo.. maraming beses

paulit ulit..

kahit masakit –

oo, sinungaling ako

dahil hindi okay sakin na samahan mo siya

hindi okay sa akin na ihatid mo siya

hindi okay sa akin na kasama siya habang kumakain tayong dalawa

hindi okay sa akin na espesyal din ang turing mo sa kanya

na yung bestfriend ko, bestfriend na din niya

na yung mahal ko parang mahal na din niya

hindi okay sa akin

hindi okay sa akin, mahal

hindi okay –

Pero wala akong nagawa

wala, wala akong magawa sa aking nadarama

kahit hindi ko na kaya

kahit gusto kong sabihin sayo na ako naman ngayon yung mahina

na kapareho din ng iba

kapareho niya

kailangan kita

kailangan din kita

kailangan ulit kita

na hindi tulad ng iyong paniniwala

minsan din akong nagiging tipikal na prinsesa

kailangan ko din ng sagip mula sa prinsipeng mahal niya

ako na muna

ako nalang muna

ako nalang muna ulit

gustong gusto ko itong hilingin sa iyo ng nakapikit

ng hindi naman mahulog ang mga luha ko dahil sa sakit

doon sa araw araw na pakikipagdigma ko sa hapdi at pait

doon sa kirot

doon sa gulo ng mundo nating masalimuot

Patuloy na nagbabadya yung ulan

hindi ko na nga alam kung lalakas ba o mananatiling ambon lang

kung magpapakita pa ba ang araw

kung babalik pa ang isang naligaw

kung magigising pa ba ang isang ikaw

naghihintay ako ng hudyat ng tama na

ng babala na masyado na akong umaasa

ng balita kung nasaan ka na ba talaga

kung nasaan ka na

kung nasaan na ang dating abot kamay at tingin lang ng aking mga mata

ang hirap kasing masanay doon sa tayong lang dalawa

doon sa dating hindi ko naramdaman ang mag isa

doon sa dating pinalimot mo kung paano ang mag isa

gusto kong marinig sayo kung hanggang dito nalang talaga

yung istoryang nasa gitna pa lang pero patapos na

sunduin mo naman ako dito sa ereng napag iwanan mo

dito sa sulok ng lirikong ‘oo, hindi nga pala tayo’

hanapin mo ako saka pakalawan doon sa mga naburang pangako mo

dahil mahal, masakit na

sobrang sakit na –

hindi ko na kaya

hindi na

hindi ko na kayang mamangka dito sa kalsada

kung saan hindi na nga ako umuusad,

nagmumukha pa akong baliw at tanga –

 

74 views
Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Me
  • Instagram
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
bottom of page