Ikaw, Ako at Siya
Prompt:
Ikaw, Ako At Siya
Para ito sa mga taong hindi kailanman naging prayoridad
sa mga taong hanggang ngayo’y pinupuyat pa rin ng pag-iyak
sa mga taong lagi nalang nasa pangalawa
kasi merong mas nauna
merong mas may minahal kaysa sa kanya
kasi may “siya” sa buhay niya
at nanatiling siyang naroon sa may gitna.
Oo, ikaw, para sa iyo ito
at para na rin sa puso ko
kasi tulad mo
nagtatago ako sa salitang sana
madalas nagkukubli sa baka bukas may mabago na
ako na naghihintay sa katuparan ng pangakong ako nalang muna
ng pangarap na ako muna
pwede bang ako muna
ako muna ang mahalin mo ng sobra.
Paulit ulit kong gustong tanungin ka
kung anong wala sa akin at meron sa kanya
katulad ng paulit ulit kong pagtatanong sa sarili ko
kung kaya ko pa bang mahalin ka
paulit ulit akong umaasa
at paulit ulit na nagpapakatanga
na baka sakali dumating pa
yung isang araw, doon sa isang araw
na baka mas higit na
na baka sakali mas mahal mo na
yung ako at hindi siya
yung ako at walang siya
yung ako lang at wala ng iba.
Hindi iilang beses mahal na humiling ako sa Maykapal
hindi mabilang ang taimtim na dasal na tahimik kong inusal
tulad ng mga paboritong linya ng mga taong mahilig umasa
at ng mga taong pinipilit lunukin ang bawat bigay ng pagmamahal na mapagparusa
sana ako nalang siya na sa iyo ay nagbibigay ng saya
sana ako nalang siya na palaging binibigyan pansin ng iyong mga mata
yung palagi mong kinukumusta,
yung palaging nakakatanggap ng sintunado mong harana
sana ako nalang siya
ako nalang siya na sinasabihan mo ng katagang “Hon, mahal kita”
oo, ng salitang mahal kita
at ng mga katagang “Miss na miss na kita, payakap nga ng dalawa”.
Dahil mahal, kahit gaano ko gustong idilat mo ang dalawa mong mga mata
tuluyan ka ng nabulag sa akin at literal ng hindi mo ako makita
na kahit gaano ko pa pilit palakasin ang pandinig ng iyong mga tenga
nabingi ka sa pag-ibig mo sa kanya at hindi mo nadinig na mahal din naman kita
mahal, maniwala ka
gustong gusto ko nang pakawalan ka
gusto ko nang bitawan ka
gusto ko ng maramdaman kung paano ulit maging malaya
ngunit mahal,
sa lahat ng gusto ko at ginusto ko
sa lahat ng hiniling ko at patuloy na hinihiling ko na may patungkol sa’yo
nakakulong pa rin ako doon sa kakarampot na saya na kaya mong malikha
doon sa saya na marinig kang kailangan mo ako at ako’y mahalaga
kahit doon lang sa tuwing mag-isa ka o kapag magka-away kayong dalawa
sa tuwing hindi ka niya kayang samahan sa mga lakad mo’t mga gala
o doon sa mga araw na hindi mo ramdam na importante ka sa kanya
oo, doon sa mga yun kuntento na ako
masaya na ako kahit ganun lang ang bigay na sukli mo
pero hanggang kailan mahal?
hanggang kailan mo siya mas mahal?
kailan yung panahon na mahal ako naman.
Sa pagtatapos kasi ng bawat araw
at umuuwi ako mula sa pagmamahal kong naligaw
doon ko nalalaman na masakit pala
nakakapaso na ang hapdi niyang dala
darating pala yung oras na nakakasawa na
magsasawa ako sa hawla na dulot ng sana ako nalang siya
minsan kasi may mga bagay na kahit gusto ko pa sana pero talagang nakakahapo na
pinapagod ang puso kong dating pagod na pagod na
may mga bagay din na gusto ko sanang hintayin pa
pero alam kong sa simula pa lang wala ng pag-asa
alam kong kahit kailan wala
wala na.
Kaya mahal kahit mahal pa kita
at nainobena na kita sa lahat ng santo at santang aking kilala
pipilitin kong maging masaya na makita kang kapiling mo ang “siya”
pipilitin kong bigyang halaga ang salitang bitaw na at tama na
alam kong masakit, mahirap at hindi magiging madali
parang pagmamasid ko sa Haring Araw tuwing tanghali
mahapdi na makita
masakit na madama
pero kailangan kong titigan kahit nakakapanghina ang liwanag niyang dala
kahit nakakaubos pa siya ng enerhiyang natira
hahayaan kong tunawin niya ako
hahayaan kong maging manhid ako
hahayaan kong mapaso, masugatan at masaktan nito
hahayaan ko ang araw na saktan niya ako kahit di niya sinasadya
hahayaan kong angkinin niya ako ng walang pag-aangkin mula sa kanya
hahayaan ko siya
hahayaan ko siya
kung iyon ang tanging paraan para makalimutan kita.