Pinalitan, Sinaktan, Iniwan ~ # MultiSkills Kang Magmahal
Prompt:
Pinalitan, Sinaktan, Iniwan # MultiSkills Kang Magmahal
Para ito sa mga taong katulad kong natutong magmahal
Natutong manindigan
Natutong lumaban
Pero sa huli hindi napanindigan
Hindi kinayang maipaglaban
Iniwang sugatan
Para ito sa mga taong pinagpalit ng hindi nila alam
Para sa mga taong nagmahal, pinagpalit, sinaktan, iniwan
Tapos pinagbabalakang balikan
Pinagbabalakang baka sakaling pwede pang mabalikan ~
Sa totoo lang ayokong saktan ko kayo
Sa mga linyang susunod na bibitawan ko
Pero bes, mahirap naman yung ako lang ang may alam
Mahirap na hindi mo man lang ako damayan
Gusto ko kasing mahanap yung dahilan
At baka sakali mahanap ko rin yung tamang kasagutan
Kung bakit may taong nakuha akong bitawan
Para sa taong sa akala niya’y higit ang bigay nitong kaligayahan
Kung bakit may taong nakuha akong palitan
Kahit na para sa akin nanatiling siya lang naman.
Mahal, naniniwala ako na tulad ng iba
Hindi naging madali ang pag-ibig nating dalawa
Oo, mahal may mga panahong malabo ang ating relasyon
Pero mahal naman, humanap ka sana ng tamang solusyon
Hindi ng bagong karelasyon
Kasi mahal ang dami kong iniwan para sayo
Pero ikaw, ang dali para sayo ang iwan ako
Mahal, ang sakit lang dahil hindi naman kita basta ginusto
Minahal kita ng buong –buo.
Hindi iilang beses na naghanap ako ng sagot mula sa uniberso
Hindi rin iilang beses mahal na inikot ko ang mundo ng ikaw at ako
Upang matagpuan mo ang sandata sa pakikidigma
Upang mahanap mo lang ang ‘tayo’ na nawawala
Ang tayo na nawala
Mahal, naghanap ako ng taguan sa mga bagong sugat mong likha
Masakit pa rin kasi ang mga dating peklat
na hanggang ngayo’y patuloy na humihiwa.
Mahal, sinubukan ko
Tinantiya ko kung kaya pa ng puso ko
Kumapit ako
Hanggang doon sa kayang marating ng sugal na pinasok ko
Nagbakasali
Doon sa kung anong meron sa dati
At doon sa kasabihang ‘sa pag-ibig hindi naman bumabagyo parati’.
Pero mahina nga yata ako
Di ko kinaya mahal ang sabay sabay na hagupit mo sa puso ko
Di ko kinaya ang daluhong ng hapdi tuwing tinititigan kita
Habang nakatitig ka sa iba
Di ko kinaya ang hampas ng sakit habang minamahal kita
Pero higit yung mas minamahal mo siya.
Kaya mahal, nagdesisyon akong palayain kita
Pinapalaya na kita
Ibinibigay na kita sa kanya
Kahit di ka na akin mula ng binigay mo ang ngiti mo sa kanya
Mahal, pinapaubaya na kita
Kahit pa nga kapalit nun ay ang mga luha ko sa mga mata
Hindi ko kasi kailangan ng taong kinailangan akong iwan
Sapat man o hindi ang dahilan
Naniniwala ako na mas mainam ng maiwanan
Kaysa patuloy na makipagsiksikan sa posisyon na dapat mag isa lang.
Patawad,
Patawad mahal
Patawarin mo ako
Kung ayoko na sa pagmamahal mo
Kung ayoko sa iyo
Ayoko na sa iyo ~
Patawarin mo ako kung tuluyan na akong magpapaalam
Patawarin mo sana ako kung hindi mo na ako daratnan
sa ereng iyong pinag iwanan
Patawarin mo sana ako kung hindi ko na talaga kinaya
Patawarin mo sana ako kung ako’y bumitaw na
Patawarin mo sana ako kung ako’y nabigatan na
Patawarin mo sana ako kung sinukuan na kita
Kung makakahanap ako ng iba
Kung ako’y magiging masaya na.
Patawarin mo sana ako kung ang pangakong pang matagalan
Naging parang hangin nalang
Patawarin mo sana ako kung bakit nabato ang pangakong walang mang iiwan
Madalas umuuwi parin kasi ako sa tanong kung bakit mo ako nagawang saktan
Kung paano mong nagawang ipagpalit ako
Kung ano ang hindi ko napunan at may sumingit sa puso mo
Madalas nababaliw ako sa ideyang ibinigay ko naman ang lahat
Pero nanatiling hindi pa rin sapat
Dahil mahal, kung kulang pa rin ang lahat ng mga binigay ko
Unti unti na akong nauubos para sa iyo.
Kaya habang may natitira pang pagmamahal para sa sarili ko
Habang may lakas at buo pa ang loob ko
Ngayon pa lang uunahan na kita
Makikiusap ako mahal na huwag na
Na kung may balak kang ako’y balikan
Sakaling matanto mong nagkamali ka ng taong sinaktan
Ng taong dapat hindi mo iniwan
Huwag na mahal
Nakikiusap akong huwag mo na akong pagbalakang balikan
Sa mga panahong pinipilit kong hindi na tandaan kahit ang iyong pangalan
Sa mga araw na pinipilit kong kalimutan yung rason kung bakit ako nasaktan
Pakiusap huwag mo na akong bigyan ng dahilan
Para minsan ka pang may patunayan
Para minsan pa kitang iyakan
Pakiusap huwag mo ng subukang muling lumaban
Dahil sa totoo lang,
Matagal mo na akong pinatalo dito sa ating munting magulong digmaan
Pakiusap huwag ka ng humingi ng isa pang pagkakataon
Dahil mahal, matagal na tayong sinukuan ng panahon.
Nakikiusap ako mahal
Pakiusap huwag mo akong babalikan
Kasi sa una palang hindi mo naman dapat ako iniwan
Pakiusap huwag na huwag mo akong babalikan
Dahil mahal natatakot akong muling masaktan
Sa parehong paraan
Natatakot akong mawasak sa parehong dahilan
Natatakot akong maranasan ulit ang palitan, saktan, iwanan
Hashtag Triple Kill, ang sakit mong magmahal
Pakiusap, huwag mo akong pagbalakang balikan
Huwag na huwag mo akong babalikan
Marami ng naging tanga
Ayoko ng dumagdag sa bilang nila.