Tan-Gee-Ey
Note: This poem was written as per request by one of my closest friends whom I met through Twitter. This one's for you Girl. I hope that all of my advice makes sense and some day, when that one day comes. I really hope you'd find your happiness, that real happiness. I wish and I pray to God that He may guide you in finding that real man who can stand by your side no matter what happens and who can love you wholeheartedly without a doubt and without looking into your past. You deserve no less. You deserve the best! First and only choice. You have a beautiful soul. Always remember that. I love you and thank you for the friendship.
We may be miles apart, but I am always here. Will always will.
Tan-Gee-Ey
Para ito sa puso kong may kutsilyong nakabaon
Para sa mga sugat ko na nanatiling hindi pa rin naghihilom
Kahit na nga dumaan pa ang napakatagal na panahon
Pagkat sa bawat panghihinayang ko’y nanatili kang nandoon.
Mahal, hindi kailanman naging madali yung kwento kung paano mo ako minahal,
Nasaktan, sinukuan, napalitan
Paano mo ako iniwan ng walang paalam
Paano ka lumisan at hindi nagawang magparamdam
Paano ka biglang muling lumitaw sa gitna ng kawalan.
Pero mahal, wala ng mas hihirap pa nung patuloy akong umasa
Na baka sakaling may tsansa pa
Na baka may natitira pang pag-asa
Umasa ako na baka may pwede pa tayong balikan
Umasa ako na baka pwede pa nating muling dugtungan
Yung dating alam kong kahit papaano merong nagdaan
Alam kong kahit papaano meron naman~
Umasa ako mahal~
Sabi ko,
This time…
Baka tama na yung panahon
Baka sakali tama na yung pagkakataon
Alam kasi ng Diyos kung ilang ulit kong hiniling sa kanya na ibalik ka noon
Upang minsan pang pang masabi kong mahal pa rin kita hanggang ngayon
Pero bakit ngayong nandito ka na
Ngayong ibinalik ka na niya
Bakit parang lalong naging mas malabo?
Bakit parang lalong mas nadudurog ang puso ko?
Bakit parang lalong mas dumadami ang mga dasal ko?
Bakit parang lalong mas dumadami ang mga gusto ko?
Ang mga gusto ko
Ang mga gusto ko~
Tulad ng makita mo ang dating tayo
Makita mo ulit ito~
Ang sagipin mo ulit ang puso ko
Ang sagipin mo naman ako~
Kasi mahal nilayasan na ako ng buhay ko
At yung sakit namahay na yata sa dibdib ko
Mula nung niligaw mo yung ‘tayo’
Mula nung may nahanap kang kapalit ko diyan sa puso mo
Nung iniwan mo ako
Nung iniwan mo ang lahat sa mundo
Nung bumalik ka na parang walang nangyaring magulo
Gusto kong sagipin mo ako
Ako na muna yung sagipin mo
Mahal, utang na loob
Pagsagip mo ang kailangan ko.
Oo, sige..
Marahil mahal parehas lang tayo
Biktima ka, biktima ako
Biktima tayo ng isang tadhanang nagkamali ng pinatagpo
Pero mahal sinubukan ko
Sumubok ako sayo
Nung humingi ka ng isa
Binigyan kita ng dalawa
Nung hinawakan mo ang kamay ko
Yakap at halik ang naging sagot ko
Nung hiniling mong huwag akong umalis sa tabi mo
Nandoon lang ako,
Nandoon ako.
Kaya sa pangalawang pagkakataon
Umasa ako na maaayos na
Akala ko maaayos pa
Akala ko pwede na
Akala ko pwede pa
Akala ko tama na ang lahat
Akala ko ang isa’t isa pa rin yung hanap
Akala ko may pag asa na
May pag asa pa
Pero nanatiling wala
Sa iba pa rin talaga
Hindi pa rin ako ang huli’t dulo mo
Kahit ako naman ang mas nauna diyan sa puso mo.
Mahal, oo naniniwala ako na kailangan mo ako
Na kailangan mo pa ako
Pero bakit kahit kasabay kitang tumakbo
Bakit mas nauuna yata ako
Kasabay naman kitang sumisisid
Pero bakit mas lumulutang ako
Kasabay naman kitang nanaginip
Pero bakit tuwina wala ka sa paggising ko.
Dahil mahal, para saan pa yung pagbabalik mo?
Para saan pa yung muling pagpaparamdam mo?
Hahawakan mo lang pala ulit ang kamay ko para bitawan
Sasamahan mo lang pala ako ulit para muling iwanan
Pasasayahin sandali para bigyan ng sangkaterbang kalungkutan
Yayakapin para lang may maitulak kalaunan.
Ganito ba ang sukatan kung paano mo ako suklian ng pagmamahal
Yung paulit ulit mo akong saktan
Yung paulit ulit kahit sa magkakaibang paraan
Kahit sa magkakaibang dahilan
Oo, alam kong parehas tayong marunong magmahal
Pero bakit mas lasog lasog yata yung aking katawan?
Oo, nasaktan din kita noon
Pero mahal naman
Bawing bawi ka sa nararamdam kong sakit ngayon
Bawing bawi ka na ngayon~
Mahal, nakakapagod ka
Nakakapagod ang mahalin ka
Napapagod na din kasi akong maging tanga
Napapagod na din ako sa sermon ng iba
Oo, marahil sa pag ibig pwede akong tumigil
Humingi ng pahinga
Umupo saglit kapag nahahapo na
Pero mahal,
Di ba dapat ang pag ibig ang mismong pahinga?
Di ba ikaw dapat ang aking pahinga?
Oo, naniniwala ako na may mga lugar na dapat matagal ko nang nilisan
May mga bagay na noon pa man dapat ko nang iniwan
May mga kwento na hindi naman na dapat inaabangan
At may mga taong kinakailangang sa gitna pa lang dapat ko nang binitawan
Pero mahal, bakit pagdating sa’yo nanatili akong nagtatanga – tangahan?
Kasi mahal sa dinami dami ng rason na pwede na kitang bitawan
Na ayoko na kitang muling ipaglaban
Mayroon isang bahagi dito sa puso ko ang nagpapasyang kumapit pa
Na kaya ko pa ~
Na duwag ako pag sinabi kong ‘tama na’
Kasi kahit nasa akin ang puso ko
Sa tuwing nagtatalo kami ng dahil sa iyo
Lagi itong nauuwi sa panig mo
Lagi itong umuuwi sa’yo
Laging sayo.
Bakit ako?
Nanahimik na ako pero minsan mo pa akong ginulo
Kinausap mo ako ng magdamag
Na parang wala ng bukas sa mundo mo
Pinaramdam mo sa akin na mahalaga ako
Na mahalaga pa ako
Na minsan mo pa akong kailangan sa buhay mo.
Bakit? Bakit ako nagkakaganito?
Bakit nananatiling ikaw ang sigaw ng puso ko?
Bakit? Ano bang meron sa’yo?
Bakit ikaw pa rin ang hanap nito?
Bakit mahal kita ng sobra
Pero yung sa sarili ko kulang kulang na
Bakit hindi ko mabuksan ang puso ko sa iba
Bakit nakakulong pa rin ako sa nakaraan nating dalawa
Bakit mahal pa kita?
Bakit mahal pa rin kita?
Bakit hindi yun nawala?
Mahal,bakit ikaw pa rin sa kabila ng kaguluhang ito
Oo, ikaw parin kahit hindi na ulit magiging ako.
Mahal pagbibigyan kong muli ang sarili ko
Pagbibigyan kita na huwag muna kitang iwanan sa puntong ito
Pero mahal sana huli na ito
Matuto kang mamili mahal ko
Kung ako, ako
Kung iiwan mo ako, iwan mo na ako
Kasi hindi ganun kadali ang lahat
Na sa paglisan mo mawawala ang bigat
Hindi ito simpleng pagkahati lang ng daan
Na pwede akong pumili kung kaliwa o kanan
Bigyan mo naman ako ng tsansang lumaban
Kailangan ko rin naming lumaban
Hindi yung ako nalang yung puro sugatan
Kasi mahal sa totoo lang ayokong dumating tayo
Doon sa oras na magsisi tayo pareho
Sana sa panahong pwede na ay pwede pa
At sana sa panahong kaya mo na ay kaya ko pa.