Traje De Boda
- Isabel
- Oct 10, 2017
- 2 min read
Traje De Boda
“Kukunin kita katulad nila,
Kukunin ko din ang iyong kaluluwa katulad ng mga nauna”
Yan ang sigaw sa akin ng misteryosang babaeng naka-traje de boda
Kasabay ng kanyang halakhak at nanlilisik niyang pulang mata.
Ako’y nagmakaawa sabay hingi ng tawad sa pagkakamaling nagawa
Pinilit ko siyang mapaniwalang kinain lang ako ng makamundong pagnanasa
Ngunit naging bingi siya sa kanyang naririnig
Habang papalakas ng papalakas naman ang tibok sa aking dibdib
Dahan-dahan niya ulit akong nilapitan doon sa kuwartong aming kinaroroonan
Hawak niya pa ang pinangsaksak na punyal na kumikisplap sa kadiliman
Sambit niya, “Bago kita dalhin sa impyernong iyong paglalagakan
Hayaan mong ikwento ko sa iyo ang sikretong ako lang ang may alam”
“Masaya at marangya ang naging buhay ko sa mundong ibabaw
Lumaki sa luho at lahat ay binibigay ng aking mga magulang
Kaya nung sinabi ko sa kanilang may lalaki akong napupusuan
Hindi na ako nagulat na nagawan nila ng paraan na ako’y kanyang pakasalan”
“Hindi tumagal dumating yung pinakahihintay kong araw
Ang maka-isang dibdib ang lalaking mahal sa harap ng altar
Suot ang traje de bodang galing pa sa ibang bansa
At pinasadya para maging maganda sa harap ng madla”
“Ako ang mukha ng pinakamasayang babae nung araw na itinakda
Lulan ng sasakyan papunta sa lugar na pagdadausan ng aming pulot-gata
Ngunit ang abot tengang ngiti ay dagli-dagling napawi
Ng mapagtantong sa isang lumang bahay sa gitna ng gubat kami ay nagawi”
“Limang kalalakihan ang sa amin ay sumalubong
Agad tinalian ang aking kamay gamit ang lubid na pinagugtong
Titig ko'y naging mapagtanong, utak ko'y unti unting nilason
Nang makita ang asawa ko na nakikipagtapikan sa mga taong mukhang binayarang hoodlum"
"Idiniretso ako sa isang silid, puro alikabok ang makikita sa paligid
Inihiga akong patihaya sa may kama, iginapos ang kamay at paa
Nag-ingay ako, humingi ng saklolo, Nagwala, bumuhos ang aking mga luha
Lalo na nang makita ko ang lalakeng kanina lang pinakasalan kayakap ang aking pinsan na tinuring kong matalik ng kaibigan”
“Doon, doon nila binulgar na dahil sa kagustuhan kong mahalin ako ng lalaking mahal ko
Nasira ko ang relasyong matagal na nilang itinago
Kaya’t sa araw ng kasal ko ay pinagplanuhang patayin ako
At kuhanin ang anumang kayamanang nailipat na sa pangalan ko”
“Wala akong nagawa nang tuluyang tumalikod na ang dalawa
Kayo na ang bahalang iligpit siya, utos pa nila sa lalakeng lima
Mukha ng demonyo ang siyang aking nakita
Ng ngumisi agad ang isa sabay tanggal ng suot niyang kamiseta”
“Halinhinan nila akong ginahasa, nagpapasasa, nagpakasawa
Pinaso nila ako ng sigarilyo, sinasabunutan ang sabog sabog na buhok ko
Tinawan, ininsulto. Sinira nila ang aking pagkatao
Ginamit nila ako habang suot suot ang traje de bodang nagsilbing kamatayan ko”
“Isang patalim ang nahagilap ng kamay ko nang mapagod ang mga lalaking nasa tabi ko
Isang sumpa ang sinambit ng mga labi ko bago itinarak ang sandata sa may dibdib ko
“Kukunin ko ang kaluluwa ng bawat lalakeng mahuhumaling sa katawan ko
Kukunin ko ang kaluluwa ng mga ito kapalit ng pagnanasa nila habang ang traje de boda’y suot ko”
“Oo, nasa impyerno na ang limang lalakeng naging dahilan ng paghihiganti ko
At titigil lang ako kapag kaluluwa na ng asawa ko ang kaharap ko”
Pero sa ngayon, kamatayan mo muna ang siyang ihahatid ko
Pagwawakas ng babaeng misteryoso sa nakakapangilabot nitong kwento.






















Comments